
Nanawagan si Senate President pro tempore Ping Lacson ng isang inter-agency probe kaugnay ng alegasyon na ilang Cabinet secretaries ang proponents o nagpasok ng mga infrastructure projects sa 2025 national budget.
Ito ay matapos isiwalat ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may ilang miyembro ng gabinete na umano’y nasa listahan ng yumaong dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral. Agad namang iginiit ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na pawang hearsay at walang probative value ang mga paratang.
Iginiit ni Lacson na mahalagang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa naturang akusasyon, kasabay ng babala na ang maagang pagbasura sa isyu ay maaaring magbigay ng impresyon na may pinagtatakpan ang pamahalaan.
Ayon sa senador, masyado pang maaga upang isantabi ng Malakanyang ang mga ulat hinggil sa umano’y budget insertions, lalo’t may mga mahahalagang ebidensya na umanong lumutang sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Dagdag pa ni Lacson, hindi kakayanin ng pamahalaan na balewalain ang galit ng publiko sa umano’y malawakang katiwalian na kaugnay ng mga anomalya sa mga infrastructure projects.










