Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Commission on Elections (COMELEC) na huwag nang pahirapan ang mga kababayan sa pagbawi ng kanilang pirma sa People’s Initiative para sa Charter Change.
Ito’y matapos maglabas ang COMELEC ng withdrawal form na siyang sasagutan ng mga indibidwal na nais bawiin ang kanilang lagda sa People’s Initiative.
Sa form ay hinihingaan pa ng paliwanag ang mga tao kung bakit nila babawiin ang kanilang lagda sa People’s Initiative at mismong ang COMELEC ay sinabing “for record purposes” lamang ito at hindi magagamit sa legal na hakbang para mapawalang bisa ang mga pirma.
Giit ni Villanueva, hindi na dapat hingan ng rason o paliwanag ang ating mga kababayan sa pagnanais na bawiin ang kanilang lagda dahil karapatan naman nila ito.
Pagbibigay diin pa ng senador, kung simple lang ang naging proseso sa pagpapapirma ay dapat simplehan lang din ang proseso sa pagbawi nito.