Nakiusap si Senate Committee on Public Services Chair Senator Grace Poe, sa mga government regulators at telecommunications companies na palakasin ang mga linkages sa pagbibigay ng libreng serbisyo ng Wi-Fi sa mga pampublikong paaralan na nangangailangan.
Ito’y matapos mapag-alaman ni Poe na 69% lang ng 45,000 na public schools sa buong bansa ang mayroon lamang access sa Wi-Fi.
Ayon kay Poe, dapat na magtulungan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd) kasama ang mga telcos upang mabigyan ng internet connectivity maski ang mga pinakamalalayong eskwelahan sa bansa.
Sinabi ng senadora na sa panahon ngayon na ang edukasyon ay nakadepende na rin sa connectivity, maituturing na isang mahalagang pangangailangan ang access sa libreng internet na maaaring ipagkaloob ng mga telcos.
Pinagsusumite ni Poe ang DepEd ng report sa status ng connectivity sa mga public schools upang malaman ang mga lugar na mas nangangailangan ng internet access.
Tiwala naman ang mambabatas, na magpapatuloy ang mga telcos na maging katuwang ng gobyerno sa paghahatid ng serbisyo sa digitalization program nito.