Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Bongbong Marcos na pagsabihan na ang kanyang pinsan na si Speaker Martin Romualdez na itigil na ang kahibangan sa pagsusulong ng People’s Initiative.
Ito’y matapos diretsahang tukuyin ni Pimentel na ang pinsan ng pangulo na kasalukuyang Speaker ng Kamara ang siyang nasa likod ng People’s Initiative para sa Charter Change.
Batay aniya sa mga ulat na kanilang nakalap ay mga kongresista ang itinuturo na nasa likod ng pagpapalagda sa mga tao para tuluyang maitulak ang People’s Initiative.
Giit ni Pimentel, hindi naman kikilos ang mga kongresista kung walang kumpas mula sa kanilang lider na walang iba kundi si Speaker Romualdez.
Punto ni Pimentel, ngayon ay mayroong disruption sa kanilang legislative work dahil sa People’s Initiative na sa kanilang pakiramdam ay hina-hijack ng mga miyembro ng mababang kapulungan.
Umaasa si Pimentel na manghihimasok na ang pangulo sa pagkakataong ito at dahil siya ang pinsan ng speaker ay maaari niyang maimpluwensyahan ito hindi lang bilang kamaganak kundi bilang isang political ally na itigil na ang pagsuporta sa People’s Initiative.