
Umaapela si Senator Imee Marcos sa Social Security System (SSS) na huwag nang pahirapan ang mga benepisyaryo na kukuha ng calamity loan.
Ayon kay Senadora Imee, alam naman na kapag may bagyo, maraming nasasalanta dahil sa baha at kailangan nila ng pera para makabangon.
Subalit kung ganyan aniya na pahirapan ang sistema, nagiging doble pasanin lamang ito sa mga biktima ng kalamidad.
Agarang inuutos ng senadora ang pagrepaso ng SSS sa kanilang proseso lalo na sa pagkuha ng online loan.
Hinimok ni Sen. Imee ang SSS na maglatag ng alternatibong proseso para sa mga miyembrong walang magamit na internet, pati na rin ang muling pagbubukas ng walk-in applications sa mga apektadong lugar dahil hindi lahat ay mayroong cellphone at nakakapag-internet.
Paalala ng senadora, responsibilidad ng mga ahensya ng gobyerno na ayusin ang kanilang serbisyo para sa publiko lalo na sa panahon ng kalamidad.









