Senador, naniniwalang death penalty ang solusyon para matigil ang paggawa ng krimen sa labas ng bilangguan

Nagbigay ng mga solusyon si Senator Ronald “Bato” dela Rosa upang maiwasan ng mga bilanggo ang paggawa ng krimen kahit sa labas pa ng detensyon.

Matatandaang inamin ng hitman sa kaso ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid na si Joel Estorial na galing sa loob ng bilibid ang utos na patayin ang mamahayag.

Para kay Dela Rosa, matitigil lang ang paggawa ng krimen ng mga kriminal na isinisilbi ang kanilang sentensya sa loob ng kulungan kung ibabalik ang parusang kamatayan o death penalty.


Naniniwala ang dating Philippine National Police (PNP) chief na parusang bitay ang agarang solusyon para hindi na maulit ang kahalintulad na krimen na nakakulong na ay nakakagawa pa ng krimen sa labas ng bilangguan.

Isa pa sa inirekomenda ni Dela Rosa na long-term solution naman ay ang pagtatayo ng “state of the art” na correction facilities sa isang liblib o hiwalay ng lugar.

Samantala, agad namang magpapatawag ang komite ni Dela Rosa na Public Order and Dangerous Drugs ng pagdinig kaugnay sa inihain ni Senator Bong Revilla na resolusyon ukol sa ibinulgar ng hitman na mula sa New Bilibid Prison (NBP) ang utos na paslangin si Lapid.

Oras aniya na mai-refer sa kanyang komite ay agad na ipatatakda ang araw ng pagdinig.

Giit ni Dela Rosa mahalagang magkaroon ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang taong nasa likod ng pagpaslang sa radio broadcaster.

Facebook Comments