Naniniwala si Senator Alan Peter Cayetano na isang “honest corruption” ang pagbili ng overpriced na laptops ng Department of Education (DepEd) na idinaan sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ito ang naging reaksyon ni Cayetano pagkatapos ng unang ratsada ng pagdinig ngayong araw tungkol sa P2.4 billion na overpriced na laptops para sa public school teachers.
Ayon kay Cayetano, malaki ang posibilidad na may sabwatan sa pagitan ng DepEd at PS-DBM dahil pareho namang may mga background sa Information Technology (IT) ang dalawang ahensya pero ang piniling bilhin na laptops ay iyong mas mahal na mabagal at kakaunti lang ang makikinabang.
Hindi aniya pwedeng walang kuntsabahan sa dalawang ahensya dahil noong ibinigay ng PS-DBM ang action slip na nakalagay ang mas mahal na presyo ng laptop na P58,300 kada unit at nabawasan ang bilang ng beneficiaries ay dapat ni-reject o hindi na ito tinanggap ng DepEd.
Naniniwala rin si Cayetano na bukod sa korapsyon ay mayroon ding graft na sangkot dito dahil malaki ang nasayang na panahon bago nabili ang laptops para sa mga guro na gagamitin sana sa blended learning.