Naniniwala si Senator Risa Hontiveros na mayroong taga-gobyerno ang nasa likod ng inarestong “godfather” ng mga POGO na si Lyu Dong o Lin Xunhan.
Ayon kay Hontiveros, bagama’t malaking tagumpay ang pagkakadakip ng mga awtoridad sa naturang POGO boss, hindi naman aniya tayo dapat maging kampante.
Giit ng mambabatas, sa dami ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub na in-operate ni Lyu Dong ay hindi malabong mayroong kawani ng gobyerno ang nagkakanlong dito para maisakatuparan ang mga iligal na gawain.
Kinalampag ni Hontiveros ang pamahalaan at mga awtoridad na tukuyin kung sino ang mga Pilipinong kasabwat ni Lyu Dong sa mga POGO sa bansa.
Malakas ang kutob ng senadora na marami pang POGO bosses ang hindi pa nahuhuli katulad na lamang nila Duanren Wu, Zhang Jie, at Huang Zhiyang na lumabas din sa imbestigasyon ng Senado.
Dapat lamang aniya na tugisin ang mga ito ng ating mga law enforcement agencies at papanagutin sa mga krimeng nagawa sa mga inosenteng tao.