Senador, napuna na ginagawang entry at exit points ng mga sangkot sa POGO ang Clark Airport

Tinitingnan ngayon ng Senado at mga awtoridad ang napansin na paggamit sa Clark International Airport bilang “entry at exit points” ng mga indibidwal at sindikatong sangkot sa mga iligal na gawain ng mga POGO sa Central Luzon.

Tinukoy ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian ang puganteng Chinese na itinuturong kasosyo ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Baofu compound na si Huang Zhiyang na madalas ang paglabas at pagpasok sa Clark Airport.

Ganoon din aniya ang ama ni Mayor Guo na si Jian Zhong Guo na ito rin ang “entry at exit” point sa Pilipinas.


Napuna rin nila na karamihan sa mga POGO na sinalakay sa Tarlac, Pampanga at Clark ay kung hindi nasa loob ay nakapalibot lang sa Clark Airport.

Nilinaw naman ni Gatchalian na hindi kasama sa iniimbestigahan ang Clark Airport pero kasama lang ito sa kanilang pag-aanalisa na ang naturang paliparan ay napili ng mga POGO dahil ‘very strategic’ ang lokasyon na malapit lang sa Metro Manila at mga pangunahing highways at kung gustong tumakas ay madali lang makaaalis ng bansa.

Facebook Comments