Senador, pabor na alisan ng maskara ang mga iligal na POGO

Pabor si Senator Robin Padilla na alisan ng maskara ang mga pulitikong nagbibigay umano ng proteksyon sa mga iligal na POGO sa bansa.

Kaya naman sang-ayon din si Padilla sa suhestyon ni Senator Lito Lapid na isama na rin sa imbestigasyon ng Senado ang tungkol sa iligal na POGO hub na ni-raid kamakailan sa Porac, Pampanga.

Aniya, tiyak na mas nalalaman ni Senator Lapid ang nagaganap sa Porac lalo’t taga Pampanga ang senador at boundary din ito sa Tarlac.


Nauna rito ay ipinasasama ni Lapid sa pagsisiyasat ng Senado ang iligal na POGO hub sa Pampanga kung saan aalamin kung sino talaga ang tunay na nagmamay-ari ng lupa at mga gusali na ginagamit sa POGO at pagbalangkas ng polisiya o batas laban dito.

Samantala, kung si Padilla ang tatanungin, pabor siyang tanggalin ang mga POGO sa bansa kung mayroong pamalit na trabaho sa mga kababayang mawawalan ng hanapbuhay dahil dito.

Facebook Comments