Senador, pinaaagapan sa DOE ang inaasahang pagnipis sa suplay ng kuryente ngayong summer

Pinaghahanda ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) sa posibleng pagnipis ng suplay ng kuryente ngayong taon.

Giit ni Gatchalian, ito ay isang pangmatagalang problema na kinakailangang agad na mabigyang solusyon ng DOE lalo pa’t batid naman na tuwing summer o tag-init ay nakakaranas talaga ng brownout ang mga consumers.

Pinatitiyak ng senador sa DOE na nakahanda sa oras na kailanganin ang 1,091 megawatts na ‘new capacity’ ng kuryente upang maagapan ang pagnipis ng power reserves sa mga darating na summer months.


Inirekomenda pa ni Gatchalian ang ilan pang mga hakbang para maibsan ang epekto ng pagnipis ng kuryente kapag tag-init.

Kabilang dito ang paghahanda ng Interruptible Load Program, hindi dapat magsagawa ng maintenance ng power plants kapag summer maliban sa hydro power plants dahil karaniwang mababa ang suplay ng tubig sa mga panahon na ito, pagpapatupad ng energy conservation programs sa ilalim ng Energy Efficiency and Conservation Law at pagmo-monitor sa tagal o haba ng maintenance ng power plants.

Una rito ay nagbabala ang DOE sa inaasahang yellow alert sa malaking bahagi ng bansa simula sa buwan ng Marso hanggang Nobyembre dahil sa pagnipis sa suplay ng kuryente.

Facebook Comments