Senador, pinaaaksyunan sa COMELEC ang pagbawi sa lagda ng mga tao sa People’s Initiative

Pinaaaksyunan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Commission on Elections (COMELEC) na gawan ng paraan upang mabawi ang lagda ng mga taong naloko para pumirma sa People’s Initiative para sa Charter Change (Cha-cha).

Sa pagdinig ng Senado ay lumalabas na pumirma ang mga tao nang hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang nilalagdaan at may pangako pang ayuda kapalit ng kanilang pirma.

Ayon kay Dela Rosa, ang kanyang mga kababayan sa Davao City na nakalagda sa People’s Initiative form ay galit na galit at gustong bawiin ang kanilang mga pirma.


Giit ni Dela Rosa, responsibilidad ng COMELEC na gawan ng hakbang na mabawi ng mga tao ang kanilang mga pirma lalo’t wala namang krimen na masasabi kung tutulong ang kanilang mga election officer na maibalik ang mga lagda ng mga tao.

Nangako naman si COMELEC Chairman George Garcia sa Senado na mag-iisyu ang komisyon ng guidelines sa kanilang mga local offices para magabayan ang mga election officers sa paghawak ng mga kaso patungkol sa withdrawal o pagbawi ng mga pirma.

Facebook Comments