Senador, pinaalalahanan ang mga taxpayer na magbayad ng kanilang obligasyon bago ang deadline sa April 17

Nagpaalala ang Senado sa mga taxpayer na maghain na ng income tax return at bayaran na ang kanilang mga obligasyon sa gobyerno bago pa man ang dumating ang deadline sa April 17.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, bilang isang responsableng mamamayan ng bansa ay may obligasyon ang mga taxpayer na bayaran ang buwis na itinakda sa kanila.

Paliwanag ng senador, ang kita na malilikom ng pamahalaan mula sa buwis na ibinabayad ng mga mamamayan ang siyang ginagamit para sa pagpapatupad ng mga programa at proyektong kinakailangan para sa paglago ng ekonomiya.


Giit pa ni Gatchalian, wala nang dahilan ang mga taxpayer na hindi makapaghain ng kanilang income tax return bago o pagdating ng deadline dahil maaari na silang magtungo sa alinmang sangay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) o mga bangkong otorisado ng BIR.

Umapela naman ang mambabatas sa BIR na bilisan ang digitalization ng ahensya ng sa gayon ay mas maging madali sa mga taxpayers na makapagbayad ng kanilang buwis.

Target naman ng BIR na makakolekta ng P2.5 trillion na kita ngayong 2023, mas mataas kumpara sa koleksyon noong nakaraang taon na nasa P2.3 trillion.

Facebook Comments