Senador, pinaamin ang NIA na may korapsyon talaga sa ahensya

Pinaamin ni Senator Raffy Tulfo si National Irrigation Administration (NIA) acting Administrator Eduardo Guillen na may korapsyon sa ahensya.

Sa pagdinig ng Senado ay direktang tinanong ni Tulfo si Guillen kung naniniwala itong may korapsyon sa loob ng NIA.

Tugon dito ni Guillen, lahat naman ng organisasyon kahit sa abroad ay may korapsyon bagay na hindi naman nagustuhan ng senador dahil NIA lamang ang kanyang tinatanong at hindi dapat idamay ang ibang organisasyon.


Punto pa ni Tulfo, ang tanging pagkakataon lang na mareresolba ang problema sa NIA ay kung tatanggapin na may korapsyon nga sa ahensya at hindi iyong puro denial o pagtatanggi na sinang-ayunan naman ng acting administrator.

Ayon kay Guillen, may ‘lapses’ sa loob ng ahensya pero agad itong binara ni Tulfo at sinabing magkaibang usapin ang ‘lapses’ at ‘corruption’ at pagsu-sugar coat sa problema ang ginagawa ng opisyal.

Hinamon ni Tulfo si Guillen na aminin na niyang mayroon talagang katiwalian para mabigyan ito ng solusyon at masampahan na ng kaso ang mga dapat na mapanagot.

Sa huli ay inamin na rin ni Guillen na mayroong korapsyon sa kanyang ahensya at nangako na aayusin ang sistema para matugunan ang mga problema.

 

Nauna rito ay aminado rin ang NIA na may delayed projects kabilang na rito ang Balog-Balog Dam sa Tarlac na noon pang administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino itinayo at patuloy na napopondohan kahit hindi naman napapakinabangan.

Facebook Comments