Pinatitiyak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Department of Trade and Industry (DTI) na walang magtataas ng presyo ng mga Noche Buena product ngayong papalapit ang Pasko.
Sinabi ni Pimentel na hindi dapat abusuhin ng mga negosyante ang pagdiriwang ng Pasko para magtaas ng presyo ng mga produkto tulad ng keso, macaroni, spaghetti sauce, fruit cocktail, all-purpose cream, hamon, at iba pang produkto.
Giit ng senador, ang Pasko ay panahon ng pagmamahalan at pagbibigayan kaya dapat matiyak ng DTI na hindi magiging panahon ng pananamantala sa mga mamimili ang okasyon.
Pinagsasagawa ng mambabatas ang DTI ng mahigpit na monitoring sa pagbabantay sa mga presyo ng mga paninda at pinaaksyunan din ang mga kumpanyang masasangkot sa price manipulation.
Pinaalalahanan din ni Pimentel ang mga tindahan na sumunod sa suggested retail price na itinatakda ng DTI habang hinikayat din niya ang publiko na isumbong agad ang mga negosyanteng magtataas ng kanilang mga produktong pang-Noche Buena.