Pinag-aaralan ngayon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagpapataw ng parusang kamatayan para sa mga pulitikong magpopondo ng mga private armies.
Kasunod na rin ito ng naunang rekomendasyon ni Dela Rosa na ‘death penalty’ ang ipataw laban sa mga security forces na gagamitin ang kanilang pagsasanay, kaalaman at kakayahan sa paggawa ng karumal-dumal na krimen.
Isa na nga rito ang kasong pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo kung saan ang mga suspek sa pagpaslang sa opisyal ay mga dating sundalo.
Ayon kay Dela Rosa nararapat lamang ang capital punishment o parusang kamatayan sa mga pulitikong magpi-finance sa mga private armies dahil sila ang pinaka-master mind sa krimen.
Ito ang nakikitang isa sa solusyon ng senador para maiwasan na ang mga matitinding karahasan at patayan sa mga lalawigan lalo na ang mga may kinalaman sa pulitika.
Samantala, maliban sa mahigpit na batas laban sa mga private armies, ilan pa sa mga rekomendasyon ni Dela Rosa ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code partikular sa probisyon ng mga ‘nuisance candidate’, pag-amyenda sa Local Government Code at pag-amyenda sa Firearms Law.
Matatandaang tinapos na kahapon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon sa pagpaslang kay Governor Degamo at sa iba pang karahasan sa Negros Oriental at sa ngayon ay babalangkas na ng committee report at maghaharap ng rekomendasyon para maiwasan na ang political killings sa bansa.