Senador, pinag-iingat ang DFA sa pagpasok sa joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea sa pagitan ng China

Pinagiingat ni Committee on Foreign Relations Vice Chairman Senator Francis Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa planong pakikipag-usap sa China patungkol sa joint oil at gas exploration sa West Philippine Sea.

Kasabay nito ang babala ng mambabatas na posibleng mauwi ang kasunduang ito sa pagtaas ng presensya ng China sa ating teritoryo.

Ayon kay Tolentino, nababahala siya na baka pinapasakay lang ng China ang Pilipinas sa joint exploration pero ang totoo ay nakapasok na ng husto ang mga Chinese sa bansa.


Nangangamba rin ang senador na lalong dumami ang mga Chinese sa loob ng teritoryo dahil maaaring sabihin ng mga ito na may karapatan sila na mag-drill, magsagawa ng scientific study at marine research bunsod ng joint oil and gas exploration.

Dahil dito, dapat na aniya na magdahan-dahan ang bansa sa kasunduan at balak na pagpapasok sa China dahil ang sinasabing joint oil and gas exploration ay posibleng patibong lang para ma-legitimize ang mga mali na dati ng ginagawa ng China sa ating bansa.

Facebook Comments