Senador, pinag-iingat ang mga mambabatas sa pamilyang Guo

Nagbabala si Senator Sherwin Gatchalian na mag-ingat sa pamilyang Guo.

Kaugnay na rin ito sa pagharap kamakailan sa imbestigasyon ng Senado ni Shiela Guo kung saan sa pagdinig ay pinalalabas na wala siyang alam at nagamit lamang ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa mga negosyo.

Ayon kay Gatchalian, dapat na mag-ingat ang mga senador at mga imbestigador sa pamilyang Guo dahil sila ay mukhang professional liars at professional swindlers.


Giit ng senador, dapat ay natuto na tayo kay Guo Hua Ping o kay Alice Guo na parehong naratibo rin ang sinasabi sa Senado na walang alam, inosente, lumaki sa farm at simpleng tao lang.

Naniniwala si Gatchalian na hindi inosente si Shiela Guo dahil kung titingnan ang mga ebidensya ay nakapirma ito sa mahigit 90 dokumento ng mga negosyo ng pamilyang Guo.

Tinukoy pa ng mambabatas na sa sampung kumpanya ng pamilyang Guo, bukod sa nakalagda ay tumayong corporate secretary si Shiela at naging chief financial officer at treasurer din ito partikular sa QJJ embroidery at QJJ farm.

Facebook Comments