
Pinag-iingat ni Senator Pia Cayetano ang mga paaralan sa paglipat sa online classes para sa buong academic year.
Ito’y matapos na payagan ng Commission on Higher Education (CHED) na mag-shift sa 100 percent online classes ang mga unibersidad at kolehiyo sa bansa bunsod ng epekto ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Sen. Pia, kinakailangang harapin ang hamon na ito nang buong pag-iingat.
Ipinaalala ng senadora na sa pinakahuling assessment ay ipinakita ang malaking agwat sa pagkatuto ng mga mag-aaral at nananatili itong malaking problema sa ating education system matapos ang pandemya.
Giit ng mambabatas, mahalagang matiyak muna na matututo ang mga estudyante at hindi dapat ipagsawalang-bahala na ang matagal na pagdepende sa full online modalities ay posibleng magpalubha pa sa learning gaps ng mga mag-aaral.
Dahil dito, hinihimok ni Cayetano ang CHED at lahat ng higher educational institutions (HEIs) na magtatag ng kongkretong benchmark na makakatulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa ganitong panahon ng krisis.










