Senador, pinag-iisyu ang Korte Suprema ng status quo ante order sa impeachment case laban kay VP Sara Duterte

Hinimok ni Senator Kiko Pangilinan ang Korte Suprema na mag-isyu ng status quo ante order at magsagawa na ng oral arguments hinggil sa naging pasya nito na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang hiling ni Pangilinan ay kasunod ng paghahain ng Kamara sa Supreme Court ng motion for reconsideration (MR) para kumbinsihin ang Korte Suprema na baligtarin ang naunang desisyon sa impeachment case laban sa bise presidente.

Paliwanag ni Pangilinan, sa pamamagitan ng mga payong ito ay mabibigyan ng pagkakataon ang Senado, Kamara at Korte Suprema gayundin ang legal community na suriin ng mas mabuti ang mga hakbang at maiwasan ang pagbagsak ng bansa sa isang “constitutional war of attrition” o pangmatagalang gusot sa mga sangay ng pamahalaan.

Babala ng senador, ang ganitong bangayan ay lalo lamang makakasira sa tiwala ng taumbayan sa ating mga demokratikong institusyon at magdudulot ng matinding pinsala.

Kaya naman, hiniling ng senador sa Korte Suprema, bilang final arbiter, na pagdesisyunan ang motion for reconsideration alinsunod sa sarili nitong ruling na kinikilala ang legal na bisa ng mga karapatan, kapangyarihan, at tungkulin ng Korte, Kamara, at Senado na salig sa ating Konstitusyon.

Facebook Comments