Hinimok ni Senator Grace Poe ang gobyerno na mag-isyu ng advisory sa mga Pilipino na bibiyahe sa mga bansang Israel at Iran.
Ito’y matapos gumanti ang Iran sa Israel na nagpakawala ng mga drones at missiles kasunod ng naunang pag-atake ng Israel sa konsulado ng Iran sa Damascus, Syria.
Pinag-iisyu ni Poe ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na maglabas ng travel advisory laban sa mga nabanggit na bansa dahil sa patuloy na tensyon doon.
Nanawagan din ang mambabatas sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Israel at Iran na bantayang mabuti ang sitwasyon ng ating mga kababayan at tiyakin ang ibayong pagiingat para sa kanilang kaligtasan.
Iminungkahi rin ni Poe sa mga embahada na payuhan ang mga Pilipino doon na limitahan ang kanilang pagkilos.
Binigyang-diin ng senadora na ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Israel at Iran ang dapat na pinakapangunahing concern ng pamahalaan sa gitna na rin ng tumitinding girian ng dalawang bansa sa Gitnang Silangan.