Umapela si Senator Sherwin Gatchalian na gawing mas abot-kaya ang singil ng internet access sa bansa.
Tinukoy ni Gatchalian na ang buwanang gastos sa internet sa Pilipinas na may bilis na hindi bababa sa 60 megabits per second (Mbps) ay humigit kumulang P2,057 hindi hamak na mas mataas ang presyong ito ng halos limang porsyento kung ikukumpara sa Singapore na nasa P1,951 lang kada buwan pero pinakamabilis ang fixed broadband connection nito na nasa 234.6 Mbps.s
Dahil sa mahal na presyo pero mabagal na internet connectivity sa bansa ay kinalampag ni Gatchalian ang mga service providers na i-upgrade na ang kalidad ng serbisyo ng internet sa bansa.
Kailangan aniyang matiyak na ang halagang binabayaran ng mga consumers para sa internet service ay natutumbasan at naaayon sa kalidad at bilis ng serbisyong natatanggap.
Hindi hamak na nagbabayad aniya ng higit ang mga Pilipino kumpara sa mga kalapit na bansa na mas mura pero napakabilis naman ng internet connection.
Inihambing pa ng mambabatas na kung ikukumpara sa mga bansa sa ASEAN, ang Pilipinas ay nahuhuli sa bilis ng mobile internet na ang average na pag-download ay umaabot ng 24.6 Mbps at ito ay mahigit tatlong beses pa na mas mabagal kesa sa Brunei na sinasabing may pinakamabilis na internet connection sa buong ASEAN region.
Ipinunto pa ni Gatchalian na ang mataas na koneksyon sa internet ay maiuugnay sa pagdami ng trabaho, employment mobility at pangkalahatang paglago ng trabaho sa bansa.
Ginagamit din aniya ang internet sa mga kritikal na serbisyo ng gobyerno tulad ng edukasyon at sa serbisyong kalusugan.