Senador, pinaghahanda ang buong bansa sa mas matinding epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan

Pinaghahanda ni Senate President pro tempore Loren Legarda ang gobyerno, pribadong sektor at ang publiko sa mas mainit at mas tuyong panahon bunsod ng mataas na tiyansa ng El Niño sa mga susunod na buwan na inaasahang tatagal hanggang sa unang quarter ng 2024.

Ang apela ng senadora ay matapos itaas ng PAGASA ang warning status sa El Niño alert kung saan mayroong 80 percent probability ng El Niño na mararanasan mula Hunyo hanggang Agosto.

Bukod dito, inihayag pa ng PAGASA na mas tataas pa ang tsansa ng kaunting pag-ulan na pinangangambahang mauwi sa matinding ‘dry spells’ sa bansa.


Kinalampag ni Legarda na maihanda na ng pamahalaan ang agricultural adaptation program para mabawasan ang malaking epekto ng El Niño sa mga magsasaka at mangingisda na nakakaranas ngayon ng hirap bunsod na rin ng pabago-bagong panahon at kalamidad.

Iginiit ng mambabatas na dapat maging pangunahing prayoridad ng gobyerno ngayong may El Niño ang suplay ng tubig at food security ng bansa.

Dahil mababa ang tiyansa ng pag-ulan, mas kakaunti ang tubig at ito ay makakaapekto sa lahat ng kabahayan at mga negosyo.

Hinimok din ni Legarda ang mga Pilipino na sanayin na ang mga sarili sa pagtitipid sa tubig sa pamamagitan ng pag-iwas sa sobra-sobrang paggamit nito at pag-iipon.

Facebook Comments