Pinaghihinay-hinay ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Philippine National Police (PNP) sa planong pagsasampa ng kasong “obstruction of justice” laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagtatago nito sa nalalaman ng kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang panayam ay sinabi ni dating Pangulong Duterte na nalalaman niya kung nasaan si Quiboloy pero ito ay sikreto lamang.
Ayon kay Dela Rosa, ang mandato ng PNP ay magpatupad ng batas nang walang takot at pinapaburan kaya dapat lamang na pag-aralan nilang mabuti kung ang pahayag ng dating Pangulo ay katumbas ng “crime of obstruction” dahil kung hindi ay malabo itong umusad sa korte.
Sa kaalaman pa ng senador, hindi naman kasama ang dating presidente sa iniimbestigahan ng mga awtoridad na naghahanap kay Quiboloy at ang pahayag ni Duterte ay posibleng dulot lamang ng “pressure” mula sa mga taong nangungulit sa kanya tungkol sa kinaroroonan ng pastor.
Samantala, iginiit naman ni Senator Robin Padilla sa PNP na mabuting hingan muna ng official statement si dating Pangulong Duterte dahil posibleng nagbibiro lamang ito sa mga sinabi patungkol kay Quiboloy.