Senador, pinaglalatag ang CebuPac ng epektibong mekanismo para sa kompensasyon at tulong sa mga pasaherong apektado ng mga cancelled flights

Iminungkahi ni Senator Christopher “Bong” Go sa Cebu Pacific Air na maglatag ng epektibong mekanismo para mabayaran at matulungan ang mga pasaherong apektado ng kanselasyon, overbooking at iba pang aberya na idinulot ng airline.

Sa pagdinig ng Senado patungkol sa tambak na reklamo sa Cebu Pacific, sinabi ni Go na ang mga nararapat na kompensasyon na dapat maibigay sa mga apektadong pasahero ay pagkain, tubig, alternative flights, accommodation sa mga kalapit na hotels at reimbursements kapalit ng malaking abala sa mga airline passengers.

Dagdag pa ng senador ang pagpapatupad ng mga airline ng komprehensibong staff training programs para mapaghusay ang customer service at matiyak na ang mga ganitong sitwasyon ay maiiwasang maulit sa hinaharap.


Sa kabilang banda, kinikilala naman ni Go na may mga positibo rin siyang karanasan sa Cebu Pacific at katunayan ay mas ito ang madalas niyang kunin na flight pag-uuwi sa Mindanao.

Aniya, may mga pagkakataon na ‘on time’ ang flight ng airline at kung minsan ay mas maaga pa sa itinakdang oras ang arrival o departure ng flights.

Magkagayunman, nababahala rin ang senador dahil nitong mga nakaraan ay mas madalas na ang mga problema at ulat na delayed o cancelled ang mga flights at ito ang sentimyento ng marami sa mga pasahero.

Facebook Comments