Senador, pinaglalatag ang DMW ng mga hakbang para maprotektahan at matulungan ang mga Pilipinong nasa Taiwan sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng China at Taiwan

Pinaglalatag ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Migrant Workers (DMW) ng mga hakbang para maprotektahan ang mga Pilipinong nasa Taiwan sakaling sumiklab ang krisis sa pagitan ng China at Taiwan.

Ang apela ng senador sa DMW ay kasunod na rin ng pagpapadala ng China ng warships at aircrafts sa Taiwan Strait makaraang makipagpulong sa Estados Unidos si Taiwanese President Tsai Ing-Wen kay US House Speaker Kevin MaCarthy na lalo pang nagpataas ng tensyon sa rehiyon.

Ayon kay Go, dahil sa mga huling pangyayari sa Taiwan Strait ay dapat na kumilos ang pamahalaan partikular ang DMW para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong nakatira at nagtatrabaho sa Taiwan.


Agad na pinaghahanda ni Go ang DMW ng preemptive measures para sa ligtas na repatriation ng mga kababayan at pagbibigay ng alternatibong kabuhayan oras na tumindi ang sitwasyon sa pagitan ng China at Taiwan.

Importante aniyang palaging ‘proactive’ at advance na magisip ang gobyerno sa mga ganitong sitwasyon at palaging ‘top priority’ dapat ang safety at welfare ng ating mga kababayan sa abroad.

Nanawagan din si Go sa mga ahensya ng gobyerno na magtulungan para makabuo ng komprehensibong plano upang maproteksyunan ang mga OFWs kasama na rito ang pagkakaloob ng mga tulong at suporta sa mga kababayan sa ibang bansa sa gitna ng emergency situation.

Facebook Comments