Hiniling ni Senator Risa Hontiveros sa gobyerno ang paglalatag ng medium-term na plano para sa pagtugon sa pangangailangan ng mga kababayang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Binigyang diin ni Hontiveros na napakahalaga na ituloy ng pambansang gobyerno sa mga susunod pang taon ang pakikipagtulungan sa mga bayan sa Mindoro na apektado ng oil spill para solusyunan ang mga pangangailangan at muling pagbangon ng mga Mindoreños.
Punto ni Hontiveros, dahil kumplikado ngayon ang problema ay dapat na ‘complex’ o completos recados ang ibibigay na solusyon din ng pamahalaan.
Importante aniya ang tuluy-tuloy na ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs), mga ahensya at sa national government para sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayang apektado ng trahedya.
Sinabi ni Hontiveros na kikilos din sila sa Kongreso para makipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) para alamin kung may mga maidadagdag pa na alternatibong trabaho na pwedeng maialok sa mga pamilyang nawalan ng ikabubuhay.