Iminungkahi ni Senator Nancy Binay na magkaroon na ng ‘standard response’ ang airport at ang gobyerno sakaling magkaroon ulit ng aberya tulad ng pinakahuling insidente ng power outage sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Lunes.
Ayon kay Binay, ‘ideally’ ay hindi sana mangyari ulit ang technical glitches o anumang aberya sa paliparan ngunit dapat ay handa pa rin ang airport at mga kaukulang ahensya ng gobyerno sa agarang pagtugon sa ganitong mga biglaang problema.
Kabilang aniya sa obligasyon ng airport at ng gobyerno ay kung papaano gagawing komportable ang paghihintay ng mga naabalang pasahero sa airport.
Batid naman ng senadora na may programa ang Department of Tourism (DOT) at ang airlines kung saan namimigay sila ng pagkain sa mga apektadong pasahero.
Magkagayunman, napuna ni Binay ang generator sets ng NAIA na nasa 30 percent lang ang capability.
Dapat aniya ay may genset ang airport na kayang i-sustain o gawing tuloy-tuloy ang operasyon ng paliparan at awtomatiko itong gagana tuwing mawawalan ng kuryente ang NAIA.