Pinaiimbestigahan ni Senator Imee Marcos ang serye ng pagkawala at pagpatay sa mga kabataang babae nitong mga nagdaang linggo.
Ang hiling na pagsisiyasat ng senadora ay nag-ugat sa pagpaslang sa isang 15 taong gulang na dalagita sa Bustos, Bulacan.
Nababahala si Marcos sa magkakasunod na krimen sa mga kababaihan lalo pa’t balik-eskwela na ang mga kabataan.
Partikular na nanawagan si Marcos ng agarang imbestigasyon sa Philippine National Police (PNP) at sa National Bureau of Investigation (NBI) at pagpaparusa sa mga salarin na nasa likod ng pagkawala ng ilang indibidwal lalo na ang mga kabataang babae na ginahasa na brutal pang pinaslang.
Inihirit ng senadora ang agad na pagkilos ng mga law enforcement agencies upang masawata ang insidente ng sunod-sunod na pagdukot at pagpaslang sa mga inosente.