Senador, pinahahanap pa ng ibang mekanismo ang DA para sa tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng bigas sa bansa

Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na gumawa pa rin ng ibang mekanismo para sa tuluyang pagpapababa ng presyo ng bigas sa merkado.

Kasunod na rin ito ng pagpapataw ng Department of Agriculture (DA) ng maximum Suggested Retail Price (MSRP) na P58 kada kilo sa imported na bigas na ipatutupad simula ngayong buwan ng Enero.

Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang hakbang na ito ng ahensya subalit hindi pa rin ito ang kaisa-isang mekanismo para matiyak ang tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.


Kabilang sa mga rekomendasyon ng senador ay enforcement ng batas laban sa hoarding dahil kahit babaan ang presyo ng bigas ay posibleng may nagho-hoard para mapanatili ang mataas na presyo ng nasabing produkto.

Dagdag pa rito ang patuloy na pagtulong sa mga magsasaka para maging competitive o mura ang kanilang farm gate price at matiyak na mura ang produksyon para mura din ang halaga na mabibili ng mga consumer.

Binigyang-diin ni Gatchalian na gawin ang lahat ng paraan para sa pagpapababa ng presyo ng bigas dahil ito ay mas ramdam ng mamamayan.

Facebook Comments