Senador, pinaiimbestigahan sa DA ang importasyon ng hybrid rice seedlings at chemical fertilizer

Inatasan ni Senator Cynthia Villar si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., na imbestigahan ang pag-aangkat ng ahensya ng mga hybrid seedlings ng bigas na ni-reject na ng ibang bansa.

Sa ginanap na pagdinig ng Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization, tinukoy ni Villar na mayroong impormasyon na binibili ng Pilipinas ang ni-reject ng ibang bansa na hybrid seedlings na hindi naman tumutubo.

Sinita ng senadora ang mahal na halaga ng imported na hybrid rice seedlings na umaabot ng P250 ang kada kilo habang ang local hybrid rice seedling ng bansa ay nasa P30 lang ang kada kilo.


Maliban dito ay hiniling din ng senadora sa kalihim na pag-aralan ang taon-taon na pag-i-import naman ng bansa ng P10 billion na halaga ng chemical fertilizer.

Iginiit ni Villar na 38% ng lupang taniman sa bansa ang nasira dahil sa chemical fertilizer.

Aniya pa, ang ginagamit na pambili ng hybrid rice seedlings at chemical fertilizer ay mula sa P30 billion na pondo ng National Rice Program ng Department of Agriculture.

Facebook Comments