Agad na pinakikilos ni Senator Francis Tolentino ang pamahalaan para sa agad na repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na naiipit ngayon sa kaguluhan sa Sudan dahil sa agawan ng kapangyarihan doon sa pagitan ng Sudanese army at ng paramilitary na Rapid Support Forces.
Ayon kay Tolentino, dapat ay mabilis na kumilos ang gobyerno para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Kailangan aniyang mailikas na sa lalong madaling panahon ang mahigit sa 400 OFWs sa Egypt kung saan mayroon tayong aktibong diplomatic mission at masisiguro ang kaligtasan doon ng ating mga kababayan.
Iminungkahi ni Tolentino ang pag-hire ng gobyerno ng mga bus doon para matiyak ang mabilis na repatriation lalo pa’t lumalala ang kondisyon sa Sudan.
Hiniling din ng senador ang paghingi ng bansa ng tulong sa Egypt kung saan mula Cairo ay ligtas na maililipad pauwi ng Pilipinas ang mga OFW.