Tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian na isa ang pagsisikip ng mga residential area sa Metro Manila sa dahilan ng mabilis na pagkalat ng sunog.
Karaniwan aniya ang pagsisikip ng mga kabahayan sa mga mahihirap na komunidad at ito ay nakadaragdag sa panganib ng mabilis na pagkalat ng sunog na maaaring mauwi sa mas malaking pinsala at pagkawala ng buhay.
Hinimok ni Gatchalian ang pamahalaan na madaliin ang pagpapatupad ng mga proyektong pabahay upang agad na matugunan ang congestion o pagsisikip sa maraming mga residential area.
Layon ng panawagan ng senador na maibaba ang panganib na maraming madamay sa sunog.
Madalas kasi aniya na nangyayari ang insidente ng sunog sa mga lugar na maraming nakatira, dikit-dikit ang mga bahay at hindi ligtas na paggamit ng kuryente.