Kinalampag ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang Toll Regulatory Board (TRB) na madaliin na ang paglalabas ng pormal na resolusyon hinggil sa pagpapatupad ng 30-day toll holiday sa ilang bahagi ng CAVITEX.
Nito lamang June 21, 2024 ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang inisyatiba ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na operator ng CAVITEX na pansamantalang suspindihin ang singil sa toll sa ilang bahagi ng expressway upang matulungan ang mga motorista na apektado ng pagtaas ng produktong petrolyo.
Apela ni Revilla sa TRB na bilisan ang paglalabas ng resolusyon para sa agad na pagpapatupad ng toll holiday sa CAVITEX.
Giit ng senador, hindi ito dapat ma-delay lalo mismong ang pangulo na ang nag-utos ng suspensyon sa toll collection.
Ipinunto ni Revilla na malaking bagay ito para mabawasan ang gastusin ng mga motorista kaya hindi na ito dapat pinatatagal pa.