Senador, pinangalanan ang isang DPWH official na sabit umano sa mga maanomalyang flood control projects

Pinangalanan ni Senator Raffy Tulfo si Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA Regional Director Engr. Gerald Pacanan na kumakatay at nakikinabang sa pondo ng flood control project sa Region 4B.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, tinukoy ni Sen. Raffy na may kumpanya si Pacanan na dawit sa maanomalyang flood control projects.

Ang kumpanya ni Pacanan ang nangongontrata umano sa mga proyekto kung saan 28 percent ng nakuhang halaga ng proyekto ay ibibigay nito sa proponent at ang natitira ay ibibigay sa mga kaibigan na contractors.

Sinabi rin ng senador na kikita si Pacanan ng 18 percent dito habang 30 percent naman ang kikitain ng mga contractors.

Aabot ng 86.5 percent ang mga kaltas at kickbacks na makukuha habang 13.5 percent na lang ang halaga na mapupunta sa mga proyekto.

Iginiit pa ng senador na kahit hindi pa tapos o nagagawa ang proyekto, 40 percent ng kickback ay ibinibigay agad sa proponent at sa mga contractors at nagagawa nila ito sa pamamagitan ng paggawa ng isang fake accomplishment report na kanila ring dinodoktor.

Tinukoy din ni Sen. Raffy ang isang Ryan Altea na nagpakilala kay Pacanan sa isang proponent kaya mukhang well-connected ito sa mga opisyal ng pamahalaan at sa kabila ng mga kalokohan ay napromote pa ito at naging director ng main office.

Facebook Comments