
Pinapatigil ni Senator Kiko Pangilinan ang balak na botohan ng mga senador sa August 6 kaugnay sa naging ruling ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang reaksyon ni Pangilinan matapos sabihin ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na mayroong 19 hanggang 20 senador ang handang tumalima sa desisyon ng Supreme Court.
Ayon kay Pangilinan, hindi pa masasabing pinal ang ruling ng Supreme Court kung hindi pa nito nareresolba ang motion for reconsideration na inihain ng Kamara.
Iginiit ng senador na ipagpaliban muna ang anumang balak na pagbasura sa impeachment case hanggang sa magkaroon ng final ruling ang kataas-taasang hukuman na siyang susundin at igagalang ng lahat.
Ayon kay Senate Minority Leader Tito Sotto III, “wait and see” muna silang mga mambabatas dahil opinyon lang ni Estrada ang naturang pahayag at karamihan sa mga mambabatas ay hindi pa naman naririnig ang mga kakulangan at kwestyunableng punto sa desisyon ng Korte Suprema.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, itinakda lamang ang August 6 dahil marami sa mga senador ang gusto pang aralin ang halos 100 pahinang desisyon ng Korte Suprema at ikonsulta ito sa kanilang mga abogado.









