Senador, pinatitiyak ang maagang paghahanda ng mga LGU sa Super Typhoon Mawar

Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga local government unit (LGU) na tiyakin ang kaligtasan at kaayusan ng mga kababayang ililikas oras na pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Mawar.

Sa forecast ng PAGASA, inaasahang mamayang gabi o bukas ng umaga ay nakapasok na sa PAR ang super typhoon na tatawaging “Betty”.

Pinatitiyak ni Go sa mga lokal na pamahalaan na may maayos na evacuation center na tutuluyan ang mga kababayan at may maayos na higaan, malinis na comfort room, at pagkain lalo na sa mga batang maaaring magkasakit habang nasa evacuation.


Nanawagan din ang senador na huwag basta maniwala sa mga fake news sabay himok sa mga LGU na mag-monitor sa gobyerno at tumutok sa mga balita sa media tungkol sa bagyo.

Nakiusap naman si Go sa mga residenteng nasa lugar na tatamaan ng super bagyo na makinig at sumunod sa kanilang lokal na pamahalaan upang hindi mapahamak.

Samantala, muling binuhay rin ng mambabatas ang panukala para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) at binigyang diin ang pangangailangan sa mas proactive na mga hakbang sa pagtugon sa kalamidad at isang kagawaran na mangangasiwa sa maayos na koordinasyon ng mga tanggapan at ahensya.

Facebook Comments