
Nakipag-ugnayan si Senator Erwin Tulfo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng pagguho ng landfill sa Barangay Binaliw sa Cebu City.
Sa pagdalaw ng senador sa lugar ay nakita niya ang lawak ng pinsala na idinulot nito sa mga kababayan sa lalawigan.
Siniguro ng mambabatas na may tulong na makukuha ang mga pamilya ng mga nasawi sa trahedya kaya agad na tumawag si Tulfo sa DSWD para matiyak na masusundan pa ang pagbibigay ng ayuda.
Partikular na rito ang burial assistance, tulong medikal para sa mga sugatan, at tulong pangkabuhayan para sa mga pamilyang nawalan ng hanapbuhay.
Iginiit din ni Sen. Erwin ang pagpapanagot sa mga ahensyang may kinalaman sa insidente kabilang ang Environment Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kawalan ng mahigpit na pagbabantay sa operasyon ng landfill.
Maliban sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga biktima ng pagguho ng landfill, isusulong din ni Tulfo sa Senado ang imbestigasyon sa insidente.










