Senador, pinatitiyak na hindi malalabag ang “right to organize” ng mga estudyante kapag inirehistro na ang fraternities at sororities

Pinatitiyak ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi malalabag ang ‘right to organize’ ng mga estudyante sa planong iparehistro ang fraternities at sororities bilang accredited school-based organizations.

Napag-alaman sa pagdinig ng Senado tungkol sa pagkamatay sa hazing ng Adamson University student na si John Matthew Salilig na hindi pala registered bilang mga lehitimong organisasyon sa mga paaralan ang fraternities at sororities.

Layon ng pagpaparehistro na matigil na ang “underground activities” sa mga eskwelahan ng mga fraternities, sororities at iba pang kahalintulad na grupo upang maiwasan at hindi na maulit ang mga karahasan at pagkamatay sa pagsasagawa lalo na ng initiation rites.


Sinabi ni Go na bagama’t mayroon namang batas laban sa hazing, mahalaga ring matiyak ang karapatan sa pag-organisa at pagsasagawa ng mga aktibidad ng mga kabataan at siguruhing susunod din ang mga ito sa patakaran ng mga paaralan.

Dahil sa panibagong krimen ng pagkamatay sa hazing ng isang estudyante, agad na pinaagapan ni Go sa mga eskwelahan at sa mga awtoridad na hindi na maulit ang ganitong mga uri ng physical violence kasabay ng paalala na ang fraternity ay isang kapatiran at hindi dapat mauwi sa kamatayan.

Facebook Comments