Senador, pinatitiyak na maibibigay ng buo ang back wages ng mga displaced OFWs sa Saudi Arabia

Inatasan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking maibibigay ng syento por syento ang back wages ng mga displaced Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Saudi Arabia.

Kasunod na rin ito ng ulat na unti-unting nababayaran na sa kanilang mga back wages ang mga OFW matapos na makatanggap na ng kanilang backwages ang nasa 1,506 mula sa mahigit 10,000 displaced OFWs mula November hanggang December 2023.

Ipinaalala ni Villanueva na sampung taon na hinintay ang pagsingil sa backwages at nabigyan lamang ng agarang aksyon matapos magkausap sina Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., at Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman noong November 2022.


Hinimok naman ng senador ang DMW at iba pang ahensya ng gobyerno na palagiang makipag-ugnayan sa gobyerno ng Saudi para sa agarang pagre-release ng back wages at benepisyo ng mga apektadong OFW.

Hindi rin aniya dapat matigil ang pagalalay ng DMW sa mga OFW kaugnay sa kanilang mga dokumento at iba pang requirements na kailangan para makuha ang backwages.

Facebook Comments