
Pinatitiyak ni Senator Panfilo Lacson na may mapapanagot contractor at mga kasabwat sa gobyerno na sangkot sa maanomalya at palpak na mga flood control project.
Ito ang nais na masiguro ni Lacson kapag natapos na ang auditing ng mga palpak at ghost projects na dapat sana’y nakapagbigay na ng solusyon sa matagal nang problema sa pagbaha.
Naniniwala ang senador na matapos ang naging banta ng pangulo sa kanyang SONA ay siguradong magla-lie low o tatahimik muna ang mga contractor at kapag nakitang wala namang naparurusahan ay tiyak na “back to business” ang mga ito.
Binigyang-diin ng mambabatas na pinaka-epektibong mekanismo para matigil na ang problema sa flood control ay ang katiyakang mayroong mapaparusahan sa huli.
Naunang ibinulgar ni Lacson na mula 2011 ay aabot na sa P2 trillion ang naging alokasyon para sa mga flood control project at posibleng kalahati ng halagang ito ay napunta lamang sa bulsa ng iilan.









