Pinatitiyak ni Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe na tuluyang masasawata ang mga scammers bago pa man palawigin ang SIM registration.
Iginiit ni Poe na bagamat bumababa ang mga natatanggap na text scams mula nang ipatupad ang SIM registration, ibinabala naman ng senadora na huwag maliitin ang mga mobile phone scammer dahil hanggang ngayon ay may ilang SIM farms pa rin ang gumagawa ng paraan kung paano makakapagnakaw ng impormasyon at makapanloloko ng mga tao.
Bagama’t pinapayagan ng batas na i-extend pa ng 120 araw mula sa nakatakdang deadline ng SIM registration sa April 26, dapat aniyang siguruhin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at telecommunications companies na magagamit lamang ang mga panahon na ito para paigtingin ang kampanya sa SIM registration.
Nais masiguro ni Poe, pangunahing may-akda ng SIM Registration Act, na ang extension ng SIM registration ay para lamang sa mga lehitimong subscribers na magrerehistro ng SIM upang hindi maantala ang kanilang serbisyo at hindi para palawigin ang mga araw ng mga scammers para makapambiktima.
Hinikayat ni Poe ang mga awtoridad, ang DICT at mga telco na gawin ang lahat ng paraan na matigil na ang mga scammers at mauwi sa ‘natural death’ ang mga mapanlinlang at mga unwanted text message bago ang nakatakdang deadline ng SIM registration sa Abril.