Senador, pinatitiyak sa gobyerno ang pagbibigay ng kinakailangang tulong para sa mga OFW

Pinatitiyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na gawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang maibigay sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs) ang tulong at suporta na kakailanganin ng mga ito.

Ginawa ng senador ang panawagan matapos na dumalo ito sa pagtitipon ng mga OFW sa Hong Kong kung saan 3,000 mga kababayan doon ang nabigyan ng medical, educational at iba pang uri ng tulong.

Sinabi ni Villanueva na dapat mailapit ng gobyerno ang kanilang serbisyo sa mga Pilipino saan mang bahagi ng mundo ang mga ito naroroon.


Binigyang-diin ng senador na walang maiiwan na Pilipino pagdating sa pagbibigay ng mga agarang serbisyo ng pamahalaan.

Maliban sa pagsusulong ng mambabatas sa budget sa mga programa para sa mga OFW, itinutulak din ng Majority leader ang dagdag na pondo para sa medical assistance program ng Department of Health upang matiyak na available agad ang funding sa 900 pagamutan sa bansa kabilang na ang OFW hospital.

Dagdag ni Villanueva, paraan ito ng pagkilala ng gobyerno sa paghihirap at sakripisyo ng mga OFW hindi lamang para sa kanilang mga pamilya kundi para na rin sa bansa at sa ating ekonomiya.

Facebook Comments