Senador, pinatutukoy ang angkop na action plan ng gobyerno laban sa posibleng outbreak ng Avian Flu sa bansa

Planong ipasilip at tukuyin ni Senator Francis Tolentino ang mga hakbang ng gobyerno para maiwasan at makontrol ang panibago nanamang posibilidad ng outbreak ng Avian Influenza virus sa bansa.

Batay sa isinumiteng report ng Bureau of Animal Industry (BAI) ngayong taon, hanggang nitong February 9, 2023, siyam na rehiyon sa bansa ang nananatiling apektado ng Avian Flu habang higit sa 300,000 ang naitalang poultry mortality mula nang magkaroon ng outbreak ng virus sa bansa noong 2022.

Nababahala ang senador dahil napag-alaman pa sa ilang public wet markets sa Metro Manila na ang inventories ng mga imported na manok na may expiration dates ng isa hanggang dalawang taon mula sa petsa ng production ay mula sa Brazil, USA, Netherlands at Canada, ang mga bansang natukoy na may A-H5 variant outbreak noong nakaraang taon.


Ilan pa sa mga imported na manok ay walang nakalagay na production at distribution label at wala ring sticker mula sa National Meat Inspection Service (NMIS).

Aniya, ang pagbebenta ng mga kwestyunableng imported poultry meat ay tahasang paglabag sa Consumer Act of the Philippines at bagsak rin ito sa qualifications na hinihingi ng “Philippine National Standards on the Code of Hygienic Practice for the Sale of Fresh Agriculture and Fishery Products in Markets and Authorized Outlets”.

Giit ni Tolentino, napapanahon na para sa Senado na tiyakin na may nakalatag na risk-based planning, mahigpit na prevention protocol at proactive legislative action para mabawasan ang banta sa kalusugan ng publiko ng naturang sakit at masuportahan at mabigyang oportunidad ang local poultry sector bilang aktibong katuwang sa paglago at pagtaguyod ng bansa.

Facebook Comments