Senador, pinayuhan si Cong. Tinio na aralin sa susunod ang budget

Pinayuhan ni Senate President pro-tempore Ping Lacson si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na aralin ang budget para alam niya ang kanyang sinasabi.

Ito’y matapos na akusahan ni Tinio ang Senado na nagsingit ng P17.9 billion na pork barrel sa local government unit (LGU) habang binawasan naman ang mga benepisyo ng mga government employees.

Giit ni Lacson, mali si Tinio at hindi siya nag-research o nagsaliksik tungkol sa mga realignments sa national budget at sa halip ay sinisira lamang nito ang katatagan ng Senado.

Paliwanag ng senador, ang nasabing realignment o ibinawas na pondo mula sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) ay idinagdag naman sa subsistence allowance ng mga uniformed personnel.

Ang sinasabi naman ni Tinio na napunta sa Local Government Support Fund (LGSF) ang pondo ay request o hiling ng ehekutibo para masuportahan ang mga tinamaan ng kalamidad at ito ay hinugot mula sa inalis na pondo sa P255 billion na mga flood control projects.

Dahil may mga pinuntahan ang mga inilipat na pondo, malinaw aniya na walang pork barrel tulad ng alegasyon ni Tinio.

Facebook Comments