
Sinita ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang pananatili at ang pag-promote pa ng mga opisyal na nanguna sa pagpapatayo ng bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.
Ayon kay Estrada, wala man lang siyang nabalitaang nasuspinde o napatawan man lang ng disciplinary action sa hanay ng mga sangkot na opisyal at tanging ang driver lang ng overweight dump truck ang idiniin ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Bukod dito, wala ring isinagawang imbestigasyon para silipin ang pagkukulang ng ahensya sa itinayong tulay.
Giit ni Estrada, hindi magko-collapse ang tulay “overnight” at ang insidenteng ito ay higit pa sa structural failure o kapalpakan sa itinayong istruktura kundi ito ay kabiguan sa pamunuan.
Inilalantad lamang ng insidenteng ito ang kahinaan sa sistema na mananatili kapag hindi natin hinarap at niresolba na may transparency.
Nagparinig naman si Senator Rodante Marcoleta sa mga kongresistang contractor umano ng proyekto na sila ang pinatutungkulan ng pangulo sa kanyang SONA na mahiya naman kayo.









