Positibo si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na komprehensibong maiuulat ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa July 22 ang mga naging aksyon at mga pagbabago na nailatag para tugunan ang mga mabibigat na problema sa bansa.
Kabilang aniya sa mga inaasahan na mababanggit ng pangulo ang naging solusyon ng gobyerno sa mga isyung nangangailangan ng agad na atensyon tulad ng presyo ng bilihin, pagsasaayos sa sahod at trabaho, food security, pagsusulong sa social justice at pagpapalakas ng pambansang seguridad.
Maliban dito ay umaasa rin si Revilla na magiging bahagi rin ng SONA ang mga hakbang pa na balak gawin ng pangulo para sa pagpapatuloy ng mga magagandang naabot ng administrasyon.
Umaasa rin si Revilla na magkakaroon din ng pahayag si Pangulong Marcos sa dagdag na sahod ng mga manggagawa at pagpapasa pa ng mga batas na tututok sa pangangailangan ng mga senior citizen.
Dagdag pa ng mambabatas na isa sa mga pinakainaasahan niyang maiuulat din sa bayan ng Presidente ang kalagayan at pagpapaigting pa sa ating pambansang seguridad sa kabila na rin ng mga tensyong nangyayari sa teritoryo sa West Philippine Sea.