Iginiit ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na walang nilabag ang Pilipinas sa teritoryo ng China sa Escoda Shoal.
Paliwanag ni Estrada, ang lugar kung saan naka-istasyon ang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) ay nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Wala aniyang rason o dahilan para i-withdraw o alisin ng Pilipinas ang ating barko na nakaduong sa ating teritoryo kung saan hinihinala namang may ginagawang reclamation activities ang China.
Hinihimok ni Estrada ang China na respetuhin ang ating boundaries at makipagugnayan sa pamamagitan ng mapayapang dayalogo na reresolba sa mga isyu.
Punto pa ng mambabatas, non-negotiable ang sovereign rights ng Pilipinas sa naturang teritoryo at anumang pagtatangka na hamunin ito ay walang katuturan.