
Pinasinungalingan ni Senator Robinhood Padilla ang pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz na nawala sa atin ang Sabah matapos ang ginanap na pagdinig ng House Tri-Committee (Tri-Comm) na tumalakay sa online fake news at disinformation.
Ayon kay Padilla, mabigat ang binitawang salita ni Ruiz para sa mga kababayan nating nasa Sulu.
Giit ng senador, taliwas sa sinabi ng kalihim ay buhay na buhay ang claim ng Pilipinas sa Sabah sa ilalim ng Section 2, Republic Act 5446.
Malinaw aniyang nakasaad sa batas na ang North Borneo na kilala ngayon bilang Sabah ay kinikilala teritoryo ng Pilipinas.
Maging si Pangulong Bongbong Marcos aniya ay may pahayag noong siya ay senador pa noong 2013 na may historical claim ang bansa sa Sabah.
Umapela si Padilla sa mga opisyal ng pamahalaan at mga kapwa lingkod-bayan na maging responsable sa pagpapahayag at pagbuo ng mga naratibo na may malalim na epekto sa ating polisiya at sa kinabukasan ng bansa.