Senador, sinita ang hindi maagap na pagtugon ng gobyerno sa iniwang pinsala ng Super Typhoon Carina at Habagat

Pinuna ni Senator Risa Hontiveros ang hindi maagap na pagtugon ng ilang mga ahensiya ng gobyerno sa epekto ng pananalasa ng Super Typhoon Carina at Habagat sa bansa.

Apela ni Hontiveros, dapat na mas paigtingin at mas pabilisin pa ng pamahalaan ang pagtugon sa mga sakuna partikular ngayon na naulit ang isa nanamang matinding pagbaha sa mga lungsod sa Metro Manila.

Ayon sa mambabatas, taon-taon naman tayong binabagyo at binabaha kaya dapat inasahan na natin ang magiging epekto at nag-adapt na tayo sa mga climate-related disasters na nangyayari sa bansa.


Giit ni Hontiveros, panahon na para maging time-sensitive at itaas pa ang agarang pagtugon ng pamahalaan sa mga kalamidad.

Ipinanawagan din ni Hontiveros ang pagbusisi sa mga inilalagak na flood control projects at reclamation projects na maaaring konektado sa malawakang pagbaha sa National Capital Region.

Facebook Comments